Sinabi kahapon ni Presidential Chief of Staff Renato Corona na salitang-pulitiko lang ang pahayag ni Estrada na hindi dapat seryosohin.
Habang ikinakampanya ni Estrada ang mga kandidatong senador ng oposisyon sa Zamboanga kamakailan, sinabi niya sa mga reporter na babalik siya sa Malacañang dahil nagbabakasyon lang siya.
Sinabi ni Corona na sinabi lang yun ni Estrada para magpalakas ng loob dahil alam nitong tapos na ang maliligayang-araw nito.
Samantala, sinabi kahapon ni Las Piñas Congressman Manuel Villar na lilipas din ang popularidad ni Estrada lalo na sa mga lalawigan at sigurado ring mawawala ang mga loyalista nito.
"Malaking factor dito (sa Laban ng Demokratikong Pilipino-Partido ng Masang Pilipino) si Erap. Marami pa rin ang may tiwala sa kanya pero lilipas din ito habang tumatagal," sabi ni Villar na nagpabilis sa impeachment ni Estrada noong bago siya tinanggal sa pagka-Speaker ng House of Representatives.
Kasama rin si Villar sa 13 kandidatong senador ng administrasyong Arroyo.
Ang pagkakaroon umano ng negatibong resulta sa petisyon ni Estrada na kumukowestiyon sa legalidad sa panunungkulan ni Pangulong Gloria Arroyo ay magiging daan upang tuluyan ng bumagsak ang popularidad ni Estrada sa masa. (Ulat nina Ely Saludar at Marilou Rongalerios)