Sotto dawit din daw sa Laarni pass

Isa pang senador ang umano’y dawit sa pagpuslit sa kalaguyo ni dating Pangulong Joseph Estrada na si Laarni Enriquez sa Ninoy Aquino International Airport nang bumalik ito sa bansa noong Linggo.
Kinumpirma ng NAIA Pass Control Office na gumamit ng OB (Official Business) Pass ang chief of staff ni Senador Vicente "Tito" Sotto III na si Ernesto Yabut para matulungan si Enriquez na makalusot sa paliparan.

Nakunan umano ng video sina Yabut at dating airport executive assistant Jake Acuña habang "minamadali" nila ang pagdating ni Enriquez para hindi na ito kailangang magsumite ng passport at disembarcation card sa mga awtoridad ng NAIA.

Sinasabing nakapasok si Acuña sa paliparan sa pamamagitan ng paggamit sa OB pass ni Senador Tessie Aquino Oreta. Pinabulaanan ng opisina ni Oreta na empleyado nito si Acuña.

Pero hawak ng mga awtoridad ng NAIA ang kopya ng isang sulat ni Oreta na nag-eendorso kay Acuña para mabigyan ng OB pass. (Ulat ni Rey Arquiza)

Show comments