Ginawa ni Gonzalez ang pahayag dahil sa sinabi kamakalawa ng abogado ni Estrada na si Atty. Pacifico Agabin na maaaring magkaroon ng dalawang presidente ang Pilipinas gaya noong panahon ng pananakop ng mga Hapones sa bansa.
Nagpetisyon si Agabin sa Supreme Court para isaad na president-on-leave lang si Estrada at matatapos ito sa taong 2004.
Pero idiniin ni Gonzalez na walang sumasakop ngayon sa bansa at wala ito sa ilalim ng puppet government.
Pinaboran naman ni reeleksyunistang si Senador Juan Flavier si Agabin sa pagsasabing maituturing na president-on-leave si Estrada at president-in-office naman si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo pero nagbabala siya na posibleng magkaroon dito ng Constitutional crisis.
Idiniin ni Flavier na sinumpaan ni Arroyo ang panunungkulan nito sa Malacañang at sinaksihan ito ng mamamayan, opisyal ng pamahalaan, Korte Suprema at miyembro ng Diplomatic Corp kaya hindi ito acting president. (Ulat nina Marilou Rongalerios at Doris Franche)