Sinabi ni Biazon na isang istratehiya ang naturang plano para magkaroon ng kapangyarihan ang mga rebeldeng komunista na hindi maisagawa sa armadong pakikibaka.
Naniniwala si Biazon na walang imposible na maisakatuparan ng mga rebelde ang plano nito dahil sa pagkakapasa ng batas na nagliligalisa sa CPP.
Maaari rin anyang pagsimulan ng kaguluhan ang hakbang ng mga rebeldeng komunista.
Gayunman, sinuportahan ni Biazon ang pagpapalabas ng safeconduct pass para kay CPP founding chairman Jose Maria Sison para maisakatuparan ang usaping pakikipagkapayapaan dito ng pamahalaang Arroyo.
Binuo na rin ng National Democratic Front ang peace panel nito na makikipag-usap sa mga negosyador ng pamahalaan. Mamumuno sa panel si NDF national executive officer Luis Jalandoni samantalang miyembro ang mga lider-komunistang sina Fidel Agcaoili, Connie Ledesma, Asterio Palma at Jojo Magdiwang. Political consultant ng panel si Sison.
Gayunman, sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Lauro Baja na patuloy pa rin ang kahilingan ng Pilipinas sa pamahalaan ng The Netherlands na kontrolin ang mga aktibidad doon ni Sison bagaman isinusulong na ang usapang pangkapayapaan.
Samantala, nanawagan si dating Press Secretary Ricardo "Dong" Puno Jr. sa Pangulo na huwag isusuko sa CPP-NPA-NDF at sa Moro Islamic Liberation Front ang soberanya at integridad ng bansa sa gitna ng pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan.
Nanawagan din si House of Representatives Speaker Feliciano Belmonte na kalimutan na ang all-out war o pangkalahatang giyera na naunang idineklara ni dating Pangulong Joseph Estrada laban sa mga rebelde sa Mindanao. Pinuna ni Belmonte na higit na nagdusa ang mga mamamayang Kristiyano at Muslim sa naturang all-out war sa Mindanao. Mas mabuti anya ang negosasyon sa pagtatamo ng kapayapaan. (Ulat nina Doris Franche, Benjie Villa, Rose Tamayo at Marilou Rongalerios)