Nakatakdang makipagpulong si Arroyo kagabi sa executive committee ng Lakas sa kanyang tahanan sa Forbes Park sa Makati kaugnay ng bubuuin nilang senatorial ticket sa halalan sa Mayo.
Sinabi ni Isabela Congressman Heherson Alvarez sa mga reporter na kabilang sa kokonsultahin ng Pangulo sa naturang usapin sina dating Pangulong Fidel Ramos, Vice President Teofisto Guingona Jr., at Finance Secretary Alberto Romulo.
"Ganoon pa rin ang sitwasyon kagaya noong Biyernes. Sobra ang aming mga kandidato at naging mahirap sa Pangulo ang pagpili ng tiket," sabi ni Alvarez na secretary-general ng Lakas-NUCD.
Iginiit ni Alvarez na tatanggapin niya ang alok na maging kalihim siya ng Department of Environment and Natural Resources para maging madali para sa Pangulo ang magdesisyon.
Kokonsultahin din ni Arroyo, titular head ng Lakas, ang ibang kaalyado nila sa koalisyon tulad nina Education Secretary Raul Roco ng Aksyon Demokratiko at Batanes Rep. Florencio Abad ng Liberal Party.
Ipinipilit din ng mga partidong miyembro ng koalisyon na bigyan sila ng kahit anim na puwesto sa 12 slot ng senatorial ticket ng administrasyon.
Gusto ng LP na makapasok sa tiket ang reeleksyunistang si Sen. Sergio Osmeña III at Quezon Rep. Wigberto Tañada na kabilang sa prosecutors sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay dating Pangulong Joseph Estrada. Nominado naman ng Aksyon Demokratiko sina Makati Rep. Joker Arroyo at dating Economic Planning Secretary Solita Monsod. Iba pang binabanggit na posibleng mapasama sa tiket sina Senators Juan Flavier, Franklin Drilon at Ramon Magsaysay Jr.; dating Speaker Manuel Villar; dating Bulacan Governor Roberto Pagdanganan; at mga kongresistang sina Ralph Recto, Sergio Apostol at Ernesto Herrera.
Nauna ring nalinya sa tiket ng administrasyon ang broadcaster na si Noli "Kabayan" de Castro pero maraming miyembro ng koalisyon ang tumututol dahil pro-Estrada ang naturang mamamahayag. Bagaman hindi pa buo o pinal ang tiket ng koalisyon, ilan sa mga potensyal na kandidato ang naghayag kahapon na magsasampa na sila ngayon ng kanilang certificate of candidacy sa Commission on Elections.
Kabilang sa kanila sina Recto, Arroyo, Herrera, at Villar.
Kasama rin sa nabanggit na prosecution panel sa impeachment trial si Arroyo. Si Villar naman ang nagpabilis ng pagpapatibay at pagsusumite ng House of Representatives sa Senado ng articles of impeachment laban kay Estrada. (Ulat ni Jess Diaz)