Sinabi ni Demetriou sa isang panayam kamakalawa ng gabi na meron siyang ebidensya na sapat para masentensyahan ang naturang mga opisyal at babae ng pinatalsik na presidente dahil sa pagkakasangkot umano ng mga ito sa maanomalyang transaksyon sa pagbili ng Voters Registration and Identification System (VRIS) machines.
Ang plano ng pamahalaan na bumili ng naturang mga makina ay kaugnay ng modernization at computerization program ng Comelec.
Hindi kategorikal na binanggit ni Demetriou ang pangalan ng mga opisyal pero tila pinatutungkulan niya ang mga komisyuner na sina Luzviminda Tancangco, Rufino Javier, Mehol Sadain, at Ralph Lantion.
Gayunman, sinabi ni Demetriou na lumahok din umano ang isa sa mga kalaguyo ni Estrada na si Guia Gomez sa transaksyon sa pagbili ng mga makina ng Photokina Marketing Corporation na siyang nanalong bidder.
Sinabi ni Demetriou na makikipagpulong siya kay Justice Secretary Hernando Perez ngayong linggong ito para isumite sa tanggapan nito ang lahat ng ebidensya.
Pinabulaanan naman ni Photokina Vice President Eric Naru ang akusasyon ni Demetriou na mabigat at disbentahe sa Comelec at sa pamahalaan ang naturang transaksyon.
Ipinahiwatig ni Neru na lima o anim na beses nang nirebisa ang kontrata para makatugon sa mga rekisitos. Pinabulaanan din niya na may-ari o bahagi ng kanilang kumpanya si Gomez. (Ulat ni Sandy Araneta)