Banta ng Sayyaf kay Schilling luma na

ZAMBOANGA CITY- Sinabi kahapon ng militar na wala nang bago sa banta ng bandidong Abu Sayyaf na papatayin ng mga ito ang bihag nitong Amerikanong si Jeffrey Schilling sa Sulu.

Sinabi ng Abu Sayyaf sa isang panayam sa radyo na maaaring gawan nila ng masama ang bihag kapag hindi pinakinggan ng pamahalaan ang panawagan nilang makipagnegosasyon sa pagpapalaya sa biktima.

Sinabi ng tagapagsalita ng Southern Command ng Armed Forces of the Philippines na si Col. Hilario Atendido na ito ang ika-apat na pagkakataong narinig nila ang banta ng Abu Sayyaf na papatayin nito si Schilling. Ipinalabas ang unang tatlong banta noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Si Schilling na tubong-Oakland, California sa United States ay binihag matapos na magtungo sila ng asawa niyang si Ivy Osani sa kampo ng Abu Sayyaf noong Agosto 28, 2000. Pinayagan lang makalabas ng kampo ang kanyang asawa na sinasabing kamag-anak ng lider ng mga bandido na si Abu Sabaya.

Pero iginigiit ng mga awtoridad na si Schilling ay nagbebenta umano ng mga baril sa Abu Sayyaf. Hininala ng militar na kasabwat ng mga bandido ang Amerikano na binihag makaraang makalaya ang mga Pranses, Aleman, Lebanese at ibang dayuhan at Pilipino na naunang kinidnap ng Abu Sayyaf noong nakaraang taon.

Nauna nang idineklara ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo na hindi makikipagnegosasyon ang kanyang administrasyon sa Abu Sayyaf at mas nais nilang madurog nang tuluyan ang naturang mga bandido.

Gayunman, isang impormante sa Sulu ang nagsabing nakita si Schilling noong nakaraang linggo na may dalang M-203 grenade launcher habang dumadalo sa isang kasalan sa Taglibe, Patikul, Sulu kasama ang grupo ni Abu Sabaya. Pumayat umano si Schilling at tila tuluyan nang sumanib sa Abu Sayyaf. (Ulat nina Roel Pareño at Rose Tamayo)

Show comments