Ito ang ipinahiwatig kahapon ni Bohol Congressman Ernesto Herrera na nagsabi pa na hindi dapat mapikon sina Sotto at Jaworski sa mga text messages na natatanggap nila sa kanilang mga cellular phone dahil isa itong modernong pamamaraan ngayon ng pagpapahayag.
Ginawa ni Herrera ang pahayag dahil sa banta ng dalawang senador na maghahain sila ng panukalang-batas na maghihigpit sa pagbebenta ng mga pre-paid cellphone.
Tinukoy nina Jaworski at Sotto ang Globe Telecom at Smart Communications na responsable umano sa mga "hate messages" na patuloy nilang tinatanggap simula noong pangalawang people power revolution na nagpabagsak kay dating Pangulong Joseph Estrada.
Kabilang sina Sotto at Jaworski sa 11 senador na tumangging buksan ang ikalawang envelope na naglalaman ng account ng isang Jose Velarde na pangalang ginamit ni Estrada sa paglalagak ng mga nakamal nitong salapi sa banko.
Ang ginawa ng 11 senador ang nagbunsod para mag-walkout ang mga prosecutors sa impeachment court na lalong nagtulak para maganap ang pangalawang EDSA people power revolution.
"Kung iisipin, wala silang karapatang magreklamo sa mga mensaheng natatanggap nila dahil ipinararating lang ng mga mamamayan ang kanilang saloobin," sabi ni Herrera.
Naunang sinisi ng dalawang senador ang nabanggit na mga kumpanya sa pagkalat ng numero ng kanilang cellphone. (Ulat ni Marilou Rongalerios)