Sinabi ni Arroyo sa isang panayam sa telebisyon na dapat unawain ang mga hindi pangkaraniwang sitwasyon tulad ng sa mga pinupunang pagpili sa mga miyembro ng kanyang Gabinete.
Idiniin pa niya na marami pa ang kailangang italaga at ang mga nauna na niyang inilagay sa Gabinete ay mga kuwalipikado bagaman mga nanungkulan noong nakaraang administrasyon.
Ipinagtanggol din niya ang pagtatalaga niya kay Quezon City Rep. Michael Defensor bilang tagapangulo ng Housing and Urban Development Council sa pagsasabing tinulungan siya nito sa Department of Social Welfare and Development noong kalihim pa siya rito.
Idinagdag ng Pangulo na napipisil niyang kunin bilang kalihim ng Department of Agriculture si Pangasinan Congressman Hernani Braganza na malaki anya ang naitulong para sumama sa pangalawang people power revolution laban kay dating Pangulong Joseph Estrada si Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Angelo Reyes.
Sinabi rin niya na ikinokonsidera rin niya sa naturang posisyon ang dating tagapagsalita ng National Democratic Front na si Satur Ocampo.
Samantala, nanawagan kahapon si dating House Speaker Manuel Villar sa pribadong sektor na, sa halip batikusin, dapat tulungan ang bagong administrasyon para matupad ang layunin nitong mapabuti ang buhay ng mga Pilipino.
"Kailangang lahat tayo ay magtulungan dahil ang pagkakaisa ang susi ng tagumpay ng bagong gobyerno," sabi pa ni Villar bilang tugon sa mga tumutuligsa sa mga tao na inilalagay ni Arroyo sa puwesto sa pamahalaan. (Ulat nina Lilia Tolentino at Marilou Rongalerios)