Sinabi pa rin ni Singson na kaya tamad si Erap ay sapagkat hindi na ito re-electionist. Isang termino lang naman umano ang Presidente at wala na siyang pakialam kung may mga naghihintay sa kanya sa Malacañang para siya kausapin. Sinabi pa raw umano ni Erap na hindi naman beauty contest ang pagpunta sa Malacañang.
Tamad din umano si Erap na magpupunta sa probinsiya noon. Napipilitan lamang umano ito dahil sa pakiusap ng mga pulitikong kasapi ng LAMP para mag-inagurate ng projects tulay, highway at kung anu-ano pa. Kapag nagpunta naman sa probinsiya lalo pa sa bahagi ng Visayas o Mindanao ay sakay ng Presidential yatch at doon nagmamadyong at siyempre ay kasama ang nakasanayang pag-iinuman. Sinabi ni Singson na madalas siyang manalo sa madyong kapag kalaro si Erap.
Sa sugal, alak, babae at salapi nakaikot ang pagsasamahan ni Erap at Chavit. Inamin ni Chavit ang malawakang jueteng sa kanyang probinsiya na siya ang nagpapatakbo at nagdadala ng suhol kay Erap.
Sa kanilang pagkakaibigan ni Erap ay marami pang personalidad ang sumabit. Lumutang si Charlie Atong Ang. Sumipsip umano ng husto si Atong kay Erap at siniraan siya. Nawawala na siya sa paningin ni Erap na kaibigan niya nang mahigit 30 taon.
Dahil sa jueteng din umano kaya nag-away si dating Philippine National Police (PNP) Chief Director Panfilo Lacson at Erap. Noon pa umano ay alam na ni Lacson ang talamak na jueteng. Iminungkahi umano ni Lacson kay Erap na ito na ang "magbibigay ng lagay" sa mga provincial commander at regional commanders. Pero minsan, may hinuling mga jueteng operators si Lacson. Nagalit si Erap at hindi umano ito kinausap ng dalawang buwan.
Patuloy naman ang pagsipsip ni Atong hanggang sa magkaroon ng Bingo-2 ball na ipapalit sa jueteng. Dito nagsimula ang pa-aalma ni Chavit. Hanggang sa lumantad siya noong Oct. 9, 2000 at ibulgar na si Erap ang "lord of all jueteng lords".(Tatapusin)