Sinasabi ng Akbayan at ng ibang ulat na nakipagpulong umano si Senador Juan Ponce Enrile sa ilang maimpluwensyang loyalista ni dating Pangulong Joseph Estrada sa tahanan ng mambabatas.
Nagtungo rin umano sa tahanan ni Estrada sa San Juan ang ilang miyembro ng PMA Class 71.
Isinangkot din ng Akbayan sina Senador Gregorio Honasan at dating Philippine National Police Chief Director General Panfilo Lacson sa planong kudeta.
Pero isang miyembro ng Class 71 na si Armed Forces of the Philippines Civil Relations Service Chief Brig. Gen. Jaime Canatoy ang naggiit kahapon na sumusuporta sa administrasyong Arroyo ang kanyang mga mistah sa naturang batch.
"Hindi totoo yan (planong kudeta). Matatanda na kami at ilang taon na lang ay magreretiro na kami. Gusto na rin naming magpahinga," sabi ni Canatoy.
Pinabulaanan din ni Defense Secretary Orlando Mercado na may mga puwersang tapat kay Estrada na nagbabalak magsagawa ng kudeta. (Ulat ni Joy Cantos)