Ito ang nabatid kahapon sa isa sa mga lider ng RAM na si Police Superintendent Eduardo Matillano na nagsabi sa isang panayam sa telepono na magkakasama sila nina dating Constabulary Col. Billy Bibit, dating PNP Chief Director-General Roberto Lastimoso at dating Chief Superintendent Rodolfo Garcia nang makatagpo nila si Lacson sa loob ng isang elevator ng condominium.
Kagagaling lang umano noon ni Lacson sa pakikipagpulong kay President Gloria Macapagal-Arroyo sa naturang condominium. Kasama niya si dating Defense Secretary Renato de Villa. Nagsumite ng resignation letter si Lacson at tinanggap ito ng bagong pangulo ng bansa.
Hinirang ni Arroyo si General Leandro Mendoza bilang officer-in-charge ng PNP kapalit ni Lacson.
Sinabi ni Matillano na nagpupulong sila ng grupo niya sa pangalawang palapag ng condominium nang malaman nilang kausap ni Arroyo si Lacson sa ikaapat na palapag.
Inabangan nila bandang alas-9:30 ng gabi ng Sabado ang pagbaba ni Lacson sa ground floor para makipagdayalogo rito.
Nang bumakas ang elevator at papalabas na si Lacson, bigla itong bumalik sa loob nang makita ang grupo ni Matillano na tumawag sa kanya.
"Tinawag ko siya pero tinalikuran niya ako. Nainsulto ako," sabi ni Matillano.
Ilan sa mga nakasaksi ang nagsabing pilit na pinipindot ni Lacson ang button ng elevator para sumara ito pero kinuyog siya ng grupo ni Matillano, dinakma ang kanyang kamay habang pinipitsurahan siya ni Bibit sa kanyang jacket.
"Lumabas ka diyan! Labas!" sabi umano ni Matillano kay Lacson habang hinahatak ng mga naturang opisyal palabas ng elevator.
Pero inawat ni de Villa sina Matillano at sinabihan ang mga ito na pabayaan na lang makaalis sa naturang lugar si Lacson. Sinamahan pa ng isang aide ni de Villa si Lacson hanggang sa sasakyan nito para matiyak na ligtas ito.
Samantala, hinirang ni Arroyo bilang bagong hepe ng Presidential Security Group si Col. Glen Rabonza kapalit ni Brig. Gen. Rodolfo Diaz. (Ulat nina Jhay Mejias at Ely Saludar)