Kasunod ito ng pagpasok sa Palasyo ng limang armored car ng Presidential Security Guard at pagkaraan ng isang oras ay lumabas din ito sa compound ng Palasyo para sa hindi malamang destinasyon.
Bagaman hindi pa kumpirmado ang balitang ito, sinabi ng ilang mga tao sa palasyo na maaaring ang Pangulo at miyembro ng kanyang pamilya ay sumakay sa armored car patungo diumano sa mga helicopter na naghihintay sa kanila para maghatid sa kanila sa Clark Air Base.
Sa Clark diumano mayroong mga eroplanong maghahatid sa pangulo at kanyang pamilya patungong Amerika.
Hindi pa makumpirma kung may katotohanan ang impormasyong ito at walang makakumpirma nito sa Palasyo.
Bago umalis ang Pangulo sa Malakanyang kasama niya sa Presidential Resident ang mga miyembro ng Gabinete na nanatiling tapat sa kanya na kinabibilangan nina Executive Secretary Edgardo Angara, Energy Secretary Mario Tiaoqui, Public Works and Highways Secretary Gregorio Vigilar, Press Secretary Ricardo Puno, Press Undersecretary Michael Toledo, Press Undersecretary Ike Gutierrez.
Ayaw kumpirmahin ni Undersecretary Gutierrez kung nakaalis na nga ang Pangulo sa Palasyo nang lumabas ito mula sa Presidential Residence at pumunta sa kanyang tanggapan sa Kalayaan Hall.
Subalit ipinaligpit ni Gutierrez ang mga gamit niya sa kanyang tanggapan para iuwi sa kanilang tahanan. Tinawanan lang ni Press Acting Secretary Michael Toledo ang kumalat na balitang umalis na sa Palasyo si Estrada at miyembro ng kanyang pamilya.
Sa isang press briefing, sinabi ni Toledo na sa katotohanan ang Pangulo kasama ang ilang miyembro ng gabinete ay nasa Presidential Residence pa sa Malakanyang.
Ipinagkaila ni Toledo na nakita niya ang limang armored car na pumasok sa compound ng Palasyo dahil hindi umano niya nakita ang mga ito.
Ayon kay Toledo, hindi nagbibitiw sa puwesto ang Pangulo at kung ibibigay niya ang puwesto kay Vice President Gloria Macapagal Arroyo, nangangahulugan ito na nagbitiw na siya sa puwesto.Sinabi ni Toledo na hinihintay ng Pangulo ang sagot ng United Opposition sa kanyang panukalang magdaos ng snap presidential elections na isasabay sa halalang lokal at congressional sa darating na Mayo. (Ulat ni Lilia A. Tolentino)