Sinabi pa ni Estrada na hindi siya lalahok sa snap elections at agad niyang ililipat ang kapangyarihan ng tanggapan ng Pangulo sa sinumang mahahalal na kapalit niya.
Ginawa ni Estrada ang pahayag bagaman inabandona na siya ng maraming miyembro ng kanyang Gabinete at ng matataas na opisyal ng militar at pulisya na lumipat sa kampo ng oposisyon.
"Ako ay nalulungkot na humantong sa ganito ang mga pangyayari. Pero upang pangalagaan ang ating demokrasya at hayaang maghari ang kapayapaan sa ating bansa, hiniling ko ngayon sa ating Kongreso na tumawag ng isang presidential elections kasabay ng congressional at local elections sa Mayo," wika pa ng Pangulo.
Bago isinahimpapawid ng Pangulo ang kanyang pahayag, pinulong niya sa Presidential Residence sina Senate President Aquilino Pimentel Jr. at House Speaker Arnulfo Fuentebella.
Sinabi ni Estrada na ang kanyang panukala ang inaakala niyang pinakamahusay na direksyon sa ilalim ng kasalukuyang pangyayari sa bansa.
Dahil anya mayroon pa siyang suporta ng mayorya ng mamamayan, hindi siya naniniwalang magagamot agad ang sugat na nalikha sa bansa ng isang bagong lider na papalit sa kanya sa Malacañang nang walang botohan.
Sinabi pa ni Estrada na handa niyang panagutan ang lahat ng magiging resulta ng hakbang niyang ito. (Ulat ni Lilia Tolentino)