Ayon kay Pimentel, wala ng maniniwala sa Senado dahil wasak na umano ang institusyong ito matapos pigilin ng mga pro-Estrada senators ang pagbubukas sa bank account ni Jose Velarde na walang iba umano kundi si Pangulong Estrada.
Sinabi ni Pimentel na nakakatakot umano na wala ng maniniwala sa Senado dahil mga senador na ang tumatangging ilabas ang katotohanan ukol sa kontrobersiyal na Velarde account.
Dahil nito, naniniwala si Pimentel na halos tapos na ang impeachment trial dahil sa kinalabasan ng botohan.
Binigyang diin ni Pimentel na nakikita na kung sino ang boboto para ma-acquit ang Pangulo sa apat na kasong iniharap sa kanya ng oposisyon.
Sinabi ni Pimentel na bahala ang mga senador sa gagawing session ngayon kung sino ang nais nilang ipalit at gawing senate president. Ang susunod na senate president na lamang anya ang bahalang magdesisyon sa boto ni Sen. Robert Barbers na kasalukuyang nasa Amerika.
Kasabay nito ay nagbitiw rin si Senate Secretary Atty. Lutgardo Barbo bilang pakikisimpatiya kay Pimentel sa naging desisyon nito. Nagpalakpakan ang mga tao sa gallery matapos bumoto si Pimentel ng "yes" at ihayag ang kanyang pagbibitiw.
Naging madamdamin ang reaksiyon ng mga senator-judges na bumoto ng yes nang mag-iyakan bunga na rin ng pagkadismaya sa naging resulta ng botohan, habang nag-walkout naman ang ilan sa mga private prosecutors mula sa loob ng impeachment court.
Iyakan at sigawan ang namayani at walang nagawa ang mga senate security para pigilan ang mga tao na nais makakita ng mga reaksiyon ng mga senador.
Nagdulot ang kaguluhan ng pagkabasag ng salamin ng isa sa mga pintuan ng session hall ng magtulakan ang mga mamamahayag na nais makuha ang panig ni Pimentel. (Ulat nina Doris Franche at Rose Tamayo)