Sinabi kahapon ni Lakas-NUCD executive director Joey Rufino na isa niyang impormante sa Malacañang ang nagsabing maraming tagasuporta ni Estrada ang nagseselos dahil sa malaking ibinabayad kay Maceda.
Ayon kay Rufino, nakapaloob sa P2 bilyon ang P500 milyong badyet na ginamit sa pro-Estrada rally sa Luneta noong Nobyembre 2000. Ang natitira ay para sa political at media campaign para mapaganda ang imahen ng Pangulo sa taumbayan.
Sinabi pa ng impormante na binigyan ni Estrada ng ganap na kapangyarihan si Executive Secretary Edgardo Angara para hindi ito magselos sa malaking badyet ng ambassador.
Samantala, kinumpirma kahapon ni dating House Speaker Manuel Villar na inaasahan na ng oposisyon ang mga paninira rito ng administrasyon.
Sinabi ni Villar sa isang pulong-balitaan na kumbisido siyang kunektado sa pagsuporta niya sa impeachment laban sa Pangulo ang pagsasampa sa Ombudsman ng kasong plunder laban sa kanya kaugnay ng kanyang anunsyong "Sipag at Tiyaga, Sipag at Talino."
Nakahanda anya siyang harapin at labanan ang tao na nagsampa ng naturang kaso. "Ilang beses ko nang sinagot yan at sigurado akong isa lamang itong harassment ng administrasyon sa mga kumakalaban sa kanila," sabi pa ni Villar na natanggal sa puwesto makaraang pagtibayin niya at isampa sa Senado ang apat na articles of impeachment laban kay Estrada. (Ulat ni Marilou Rongalerios)