May kaugnayan man o wala sa diyaryong ito si Quezon City Congressman Feliciano Belmonte na manager din ng prosecution panel sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada, pupunahin pa rin natin at babatikusin ang desperadong hakbang na ito ng administrasyon.
Halatang-halata ang bulok na istrok ng pa-"guwapo" machinery ni Estrada nang muling buhayin ang usapin hinggil sa umanoy P570 milyong anomalya sa bentahan ng Commercial Bank of Manila noong general manager pa si Belmonte ng Government Service Insurance System sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.
Taong 1993 pa lang ay dinismis na agad ng Ombudsman ang kasong ito na isinampa laban kay Belmonte dahil sa kawalan ng merito.
At bakit gumagamit pa ang administrasyon ng organisasyon ng mga mangingisda gaya ng Katipunan ng mga Maliliit na Mangingisda sa Manila Bay para "ibunyag" ang isang lipas na usapin na dininig na ng tamang ahensya ng pamahalaan at nahusgahan nang idismis?
Isang Arnel Viray na tagapagsalita umano ng samahan ang nagsabing una pang papasok si Belmonte sa kalaboso kaysa kay Estrada dahil sa kasong ito.
Maging sina Aquino at dating Pangulong Fidel Ramos at Makati Congressman Joker Arroyo ay iniugnay sa anomalyang ito na muli umanong iniharap ng isang retiradong empleyado ng GSIS na nagsabing iregular ang pagbebenta sa banko.
Lahat ng nabanggit na personahe ay pawang nagsusulong sa kasong impeachment laban kay Estrada na ang kinakaharap na asunto ay dambuhala at pinatutunayan ng mga matitibay na ebidensyang nauna nang nailathala sa mga pahayagan at naibrodkas sa radyo at telebisyon kasama pa rin ang testimonya ng mga saksi sa mga asunto laban sa Pangulo.
Ang isang taong guilty lang ang makakagawa ng ganitong maruming taktika na walang ipinag-iba sa sistema ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. (Ulat ni Malou Rongalerios)