Sinabi kahapon ni Bohol Congressman Ernesto Herrera na binabantayan na umano ng US bank’s anti-money laundering (AMLA) ang mga bank account ng mga babae ng Pangulo.
Sinabi ni Herrera na, ayon sa kanyang mga impormante sa Citibank, isa sa mga kabit ng Pangulo ang naghuhulog o nagdedeposito ng malaking halaga ng pera sa naturang banko simula pa noong 1998.
Sinabihan ng isang taga-Citibank ang naturang babae na maging "mahinahon" sa pagdedeposito sa kanyang account dahil sa laki ng salapi at madalas nitong pagdedeposito mula pa ng nabanggit na taon.
Kumpiyansa naman ang mambabatas na mapapatunayan ang pagbabantay ng AMLA sa mga bank account ng mga babae ng Pangulo kapag inatasan ng impeachment court ang Citibank na ipalabas ang mga rekord ng naturang mga account.
Kinumpirma rin ni Herrera na ang AMLA ay isang watchlist na binuo ng iba’t ibang sangay ng Citibank sa buong mundo bilang pagtupad sa mahigpit na anti-money laundering law.
Naunang inihayag ng prosecution panel na, bukod kay Unang Ginang Dr. Loi Ejercito Estrada at sa Jose Velarde at Kelvin Garcia account ni Estrada, may mga hiwalay na bank account din ang mga babae nito na sina Guia Gomez, Laarni Enriquez, at Joy Melendrez.
Bawat isa ay may pitong pangalan sa savings, checking account, time deposit at investment in commercial papers, treasury bills, bonds at iba pang instrument.
Pinapanindigan ng prosecutors na si Estrada mismo ang nagmamay-ari ng mga bank account nina Velarde at Garcia.
Sinabi naman ni Misamis Oriental Congressman Oscar Moreno na dapat kumpiskahin ang perang nakadeposito sa dalawang account ni Estrada dahil hindi ito nakasaad sa statement of assets and liabilities ng Pangulo. (Ulat ni Malou Rongalerios)