Dahil dito, nag-walkout sa pulong ang mga oposisyong mambabatas na miyembro ng naturang komite. Sinabi nina Quezon City Rep. Dante Liban at Valenzuela Rep. Magtanggol Gunigundo na unethical at hindi tama ang ginawa ng komite kaya dapat itong buwagin.
Nabatid na sa executive meeting ng komite noong Martes, nagkasundo ang mga miyembro nito na parusahan ng expulsion si Gonzales dahil sa pananampal niya kay House Sergeant-at-Arms Bayani Favic kasunod ng pagpapatibay ng nooy Speaker Manuel Villar sa apat na articles of impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada.
Tumanggi ang komite na ihayag sa mga mamamahayag ang kanilang desisyon dahil kailangan daw muna itong ipaalam kay Speaker Arnulfo Fuentebella.
Kahapon din sana lalagdaan ng lahat ng miyembro ng komite ang report hinggil sa kaso ni Gonzales pero humingi ng rekonsiderasyon si Lanao del Sur Rep. Benasing Macarambon. Dahil dito, nagkaroon ng botohan. Nagtabla sa bilang na anim ang mga pabor at tutol (tatlo ang abstain) kaya nagbigay ng boto ang tagapangulo ng komite na si Lanao del Norte Rep. Alipio Badeles na pumabor sa motion ni Macarambon.
"Maliwanag na nilabag nila yung gentlemens agreement namin kahapon na ibigay ang hatol na expulsion kay Gonzales," sabi ni Liban. (Ulat ni Malou Rongalerios)