Sa isang exclusive interview ng PSN, sinabi ng isang opisyal ng militar na tumangging magpabanggit ng pangalan na nakatanggap rin sila ng impormasyon na naririto sa Metro Manila si Moro Islamic Liberation Front Vice Chairman for Military Affairs Al Hadj Murad na siyang nagsuperbisa sa madugong insidente.
Gayunman, tumanggi itong banggitin ang lugar na pinagtaguan ni Murad, gayundin kung sino ang dalawang lider ng MILF na siyang ipinakalat sa Metro Manila kasama ang kanilang mga tauhan para maghasik ng terorismo habang patuloy pa ang isinasagawang "dragnet operation."
Matapos ang pambobomba ay pumuslit na umano pabalik sa Mindanao si Murad.
Nabatid pa na naghati ng operasyon sa pambobomba ang dalawang lider ng MILF kasama ang kanilang mga tauhan kayat naging matagumpay ang naturang misyon sa limang magkakahiwalay na insidente ng pagpapasabog na yumanig sa kalakhang Maynila.
Sa kasalukuyan, ang suspek na si Ismael Abbas pa lamang ang nabibitag ng mga awtoridad na kasalukuyang nasa kustodya ng pulisya.
Nauna nang nagsampa ng kasong multiple murder at multiple frustrated murder ang Philippine National Police sa Department of Justice laban sa matataas na lider at miyembro ng MILF na siya umanong mastermind sa Metro bombing.
Kabilang sa mga kinasuhan ay sina MILF Chairman Hashim Salamat, Murad, MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar; Abdul Aleem Mimbantas, MILF Vice Chairman for External Affairs.
Nabatid pa na maliban sa Metro Manila ay masusi ring sinusuyod ng mga operatiba ng pamahalaan ang Mindanao at Visayas Region na siya umanong susunod na target ng mga bombers.
Hindi rin inaalis ng mga ito ang posibilidad na may nakakalat pang bombers sa kalakhang Maynila bagaman naaresto na ang suspek na si Abbas.
Iginiit rin ni Armed Forces Civil Relations Chief Brig. Gen. Jaime Canatoy na ang isinagawang operasyon ng mga ahente ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Phil. sa Muslim compound sa Culiat, Tandang Sora, Quezon City kamakailan ay legal at naaayon sa batas. Gayundin, itoy hindi nangangahulugan ng pangmamaliit o dibisyon sa hanay ng mga Kristiyano laban sa mga Muslim tulad ng ipinaparatang ng mga human rights groups. (Ulat ni Joy Cantos)