Velarde account tinangkang lutuin sa opisina ni Mendoza

Panibagong bomba ang pinasabog ni Clarissa Ocampo,senior vice president ng Equitable-PCI Bank sa kanyang muling pagharap sa impeachment court nang ibulgar nito na sinabihan siya ni George Go, chairman ng naturang bangko na gumawa ng panibagong dokumento upang pagtakpan ang pagkakaroon ng P500 milyon ng Pangulong Estrada sa bangko.

Sa pagtatanong ni Senator-Judge Loren Legarda sinabi ni Ocampo na binalak at tinangka umano nina Jaime Dichaves, kaibigan ng Pangulo at ni Atty. Estelito Mendoza, isa sa mga abogado ni Estrada na pagtakpan ang pera na inuugnay sa Pangulo na umano ay gagamitin ng Pangulo sa pag-iinvest sa Wellex Group of Companies na pag-aari ni William Gatchalian.

Ang katunayan umano na ang pirmahan ng ikalawang set ng dokumento ay isinagawa sa opisina ni Mendoza noong Disyembre 11,2000 na hindi naman naisagawa bunga ng kakulangan ng papeles ni Dichaves.

Mariing itinanggi ni Mendoza ang akusasyon ni Ocampo at sinabing wala siyang kinalaman sa nasabing pirmahan at hindi siya kasama sa articles of impeachment.

Maraming nagpupunta sa opisina niya na hindi niya kilala kaya’t imposible umano ang sinasabi ni Ocampo na kasama siya sa pagtatangkang ayusin ang Velarde account.

Samantala, igigiit ng dalawang grupo ng mga abogado ang disbarment laban kay Mendoza matapos itong idawit ni Ocampo sa umano’y pagtatangkang pagtakpan ang pagkakaroon ng nasabing halaga sa ilalim ng account ni Dichaves.

Ayon sa Organization of United Solicitors for Truth and Estrada’s Resignation (OUSTER) at Caucus of Lawyers for Erap’s Abrupt Resignation (CLEAR) ang kanilang aksiyon ay bunga na rin ng tangkang cover-up, palsipikasyon ng mga pribadong dokumento at obstruction of justice.

Nais ding madisbar ng grupo si Atty. Edward Serapio na umano’y nagkaroon ng pera mula sa jueteng. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments