Kasabay nga ng tagumpay sa pulitika ay nakipagsabayan ang ningning niya sa pelikula. Mula nang sumikat ang kanyang pangalan sa Asiong Salonga ay nagkasunud-sunod ang offer sa kanya para gumawa ng pelikula. Lagari roon, lagari rito ang kanyang ginawa. At ang kahusayan sa pagganap ang naghatid sa kanya para magkamit ng maraming awards. Ilang ulit siyang nagkaroon ng awards sa FAMAS. Dahil doon ay lalo pang naging bukambibig ang kanyang pangalan. Hindi lamang sa San Juan kundi sa iba pang panig ng Pilipinas.
Sa wari, ang tagumpay ni Erap sa dalawang larangang pinasok ay sumira sa prediksiyon ng kanyang mga magulang noon na malaking gulo ang papasukin nito. Nang huminto sa pag-aaral si Erap sa Mapua Institute of Techno-logy at pinasok ang pag-aartista ay nagalit ang kanyang ama. Katunayay hindi nito pinagamit ang apelyidong Ejercito sapagkat ikinahihiya ang pagiging artista. Nang pasukin naman nito ang pulitika noong 1967 ay sinabi umano ng ina nitong si Doña Mary na mas lalo pang malaking gulo ang papasukin ng kanyang anak. Subalit nakadama ng pagmamalaki si Erap sapagkat nagkamali ang prediksiyon ng mga magulang. Sa katunayay siya ang tinanghal na pinakasikat sa kanilang 10 magkakapatid kahit na nga wala siyang tinapos na kurso sa kolehiyo.
Ang pagsikat ni Erap sa pelikula habang magkasama sila ni Guia ay sadyang kakaiba at makulay. Ang buong dekada 70 at unang bahagi ng dekada 80 ang itinuturing na nasa tuktok ng tagumpay si Erap. Sa mga panahong ito lalong lumutang ang kanyang appeal at ka-machohan sa mga babaing nakatambal niya sa pelikula. Karamihan umano sa mga babaing nakatambal ay nagkaroon siya ng relasyon.
Ayon sa mga bali-balita, kabilang dito ang mga artistang sina Nora Aunor, Imelda Ilanan at Elizabeth Oropesa. Bukod sa mga artistang nabanggit, dalawang babaing singer din diumano ang bali-balitang nagkaroon ng relasyon kay Erap. Ito ay sina Eva Eugenio at Didith Reyes. (Itutuloy)