May isang lalaking residente ng San Juan ang nagsabi na diumanoy mabait at madaling lapitan si Guia kung hihingan ng tulong. Wala umanong kasungitan o kaplastikang makikita rito. Bigay tulong basta sa mga mahihirap na residente. Idinagdag pa ng lalaki na noong First Lady pa ng San Juan si Guia ay dagsa ang mga nakapilang mahihirap sa opisina ni Erap para humingi ng tulong.
Ang kagandahan daw umano ng loob ni Guia ay maaaring nahawa ni Erap. Kung dati na umanong may pagmamahal sa mahihirap si Erap, lalo pa iyong nadagdagan sapagkat nakikita nito kay Guia. Isang pagpapatunay ang ikinuwento ng isang matandang babaing taga-San Juan na nakausap ng awtor na ito. Noon daw 1985 ay lakas loob siyang lumapit kay Erap para humingi ng tulong. Ang kanyang apo raw ay kinukumbulsiyon at wala siyang ibang malalapitan. Nagsadya raw umano siya sa bahay ni Erap sa Greenhills. Hinarang umano siya ng mga guard doon subalit akto namang papalabas si Erap at nang makitang hinarang ay tinabig daw nito ang guwardiya. Tinanong umano siya ni Erap kung ano ang kailangan. Sinabi umano ng matanda na kailangang niyang maipasok sa ospital ang kanyang apo dahil kinukumbulsiyon ito.
Walang anuman umanong dumukot ng pera sa bulsa si Erap. Nagpasalamat siya. Naipagamot niya ang apo dahil sa perang bigay ni Erap.
Nahawa nga siguro si Erap ng kabaitan at kabutihan ni Guia sa loob ng dalawang dekada nilang pagsasama. Hindi naman nila akalain na matatapos din ang pagsasamang iyon. Noong 1987 ay bumalik na si Loi mula sa United States at nakisama muli kay Erap. Tahimik na umalis si Guia sa bahay na iyon.(Ulat ni Ronnie M. Halos)