Idinahilan ni Estrada ang mga krisis na dumating sa kanyang administrasyon nitong 2000 tulad ng problema sa Mindanao na kinatampukan ng pakikidigma sa mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front at ang pambibihag ng mga bandidong Abu Sayyaf sa mga dayuhan lalo na yaong mga dinukot ng mga ito sa Sipadan, Malaysia.
Pero, hindi pa halos natatapos ang hostage crisis sa Mindanao ay "sumabog" naman ang jueteng scandal na pinasimulan ng dati niyang kaibigang si Ilocos Sur Governor Luis Singson na nagbunsod para litisin siya ng Senado sa kasong impeachment.
Dahil sa impeachment trial, kinansela ng pamilya ni Estrada ang tradisyun nilang pagsalubong sa Bagong Taon sa Manila Hotel.
Samantala, sinabi ni Bohol Congressman Ernesto Herrera na iniiba ni Estrada ang isyu para malayo rito ang paningin ng mga tao.
Pinatutungkulan ni Herrera ang pasaring ni Estrada na ibubunyag nito ang mga cronies ng dating administrasyon na may malaking utang sa mga financial institusyon ng pamahalaan.
Sinabi ni Herrera na, kahit ano pa ang gawing paninira ni Estrada sa mga dating Pangulong Cory Aquino at Fidel Ramos, hindi maliligtas ang imahen ng Pangulo dahil malakas ang mga ebidensya at testimonya laban sa kaso nitong impeachment. (Ulat ni Malou Rongalerios)