Ito ang nabatid sa isa sa mga tauhan ni Magbuhos na nagsabing dumalaw sa bahay ng kanyang amo sa Maidex Subdivision, Barangay Kalihan, San Pablo City noong nakaraang linggo ang pangunahing testigong si Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson na unang nagbunyag sa umano’y pagtanggap ng Pangulo ng payola mula sa jueteng.
Hinikayat umano ni Singson si Magbuhos na humarap sa impeachment court at ipagtapat na isa ito sa nagbibigay ng pera mula sa jueteng na kinokolekta ng gobernador para sa Pangulo.
Sa pag-uusap ng dalawa, ipinangako umano ni Singson na si Magbuhos pa rin ang patuloy na mamamalakad sa jueteng sa Quezon maabsuwelto man o masentensyahan si Estrada.
Dahil sa paniniwalang malas ngayon sa babae si Estrada, si Magbuhos ang unang jueteng operator na isasalang sa muling pagbubukas ng impeachment court sa Enero 2, 2001. Siya din ang nag-iisang babaeng operator ng jueteng sa bansa kaya siya ang itinuturing na reyna ng naturang sugal.
Inaasahang ilalahad ni Magbuhos sa impeachment court kung paanong, tuwing ika-15 at ika-30 ng buwan, nakikipagkita siya kay Singson at ibinibigay ang P1.5 milyong koleksyon sa jueteng para sa Pangulo.
Sinabihan naman umano ni Singson si Magbuhos na huwag banggitin sa testimonya nito ang ilang malalaking personalidad sa Malacañang at Philippine National Police na tumatanggap ng jueteng money.
Nais ni Singson na si Estrada lang ang idiin sa naturang kaso. (Ulat ni Celine Tutor)