Ang pag-alis ni Loi sa piling ni Erap ay maituturing na nagbigay ng pagkakataon upang hanapin ng machong guwapitong lider ang pagmamahal ng ibang babae. Sinabi ni Erap noon sa isang interbyu na nagbuhay-binata siya pagkaraang lumisan si Loi kasama ang tatlong anak. Dahilan upang ang relasyon niya kay Guia ay naging malalim. Gayunman, ayon pa rin sa mga sinabi niya sa interbyu, ilang beses siyang sumunod kay Loi sa United States para makipagbalikan. Nakitulong na rin umano ang kanyang 10 kapatid para magbalikan silang mag-asawa. Ang kanyang ama at ina umano ay masidhi ang pagnanais na mabuo uli ang kanyang pamilya. Kawawa umano ang tatlong anak (Jinggoy, Jackie at Jude) na walang nakikitang ama. Si Jinggoy umano ang laging naghahanap sa ama at kahit na sinong lalaki ang makita ay tinatawag na "daddy". Ang mga payo ng magulang at kapatid ang nagpalakas ng loob ni Erap para suyuin umano si First Lady.
Subalit matigas umano ang kalooban ni First Lady Loi. Sobra ang galit nito sa pagkakatuklas ng relasyon nina Erap at Guia. Sa tingin umano ni Erap ay wala nang pag-asa pang malusaw ang galit ng asawa. Kahit na umano ano ang gawin niya ay hindi niya nakumbinsing bumalik. Naging pinal ang desisyon nitong huwag nang makisama sa kanya.
Walang nagawa si Erap kundi tanggapin ang desisyon ng asawa. Mag-isa siyang bumalik sa Pilipinas at ipinagpatuloy ang pagsasama nila ni Guia Gomez. Sa kabila rin naman na nagsasama sila ay patuloy din ang mga bisyo nito sa katawan. Subalit sa lahat ng mga iyon ay nasa likod pa rin niya si Guia. Kahit na nang tumakbo siyang mayor sa San Juan noong 1967 ay si Guia ang nakaalalay sa kanya. Dinadamayan siya sa problema at sinasamahan sa hirap at ginhawa. Hindi siya nito iniwan at lumasap din ng mga sakit sa loob ng dalawang dekada nilang pagsasama. (Itutuloy) - (Ulat ni Ronnie M. Halos)