TRO vs rallyist hingi ni Miriam

Hiniling kahapon ni Senator-Judge Miriam Defensor-Santiago sa Supreme Court na magpalabas ng temporary restraining order na pipigil sa grupong Akbayan at iba pang militanteng grupo sa pagsasagawa ng mga rally sa labas ng kanyang tahanan sa Quezon City.

Sinabi pa ni Santiago sa kanyang 23-pahinang petisyon na dapat pagbayarin ng P7 milyong danyos-pinsala ang Akbayan dahil sa pagra-rally ng mga ito sa kanyang bahay noong Disyembre 15 na nagdulot ng matinding takot sa kanyang mga anak.

Idiniin ni Santiago na dapat patawan ng contempt of court ang mga nagsasagawa ng rally sa mga bahay at opisina ng mga senador na nagsisilbi ring hukom sa paglilitis sa kasong impeachment laban kay Pangulong Joseph Estrada.

Pero sinabi ng Akbayan sa isang pahayag na handa nilang sagutin ang demanda ni Santiago pero iginiit nila na may karapatan ang sinuman na magsagawa ng kilos-protesta kahit saang lugar dahil bahagi ito ng freedom of expression.

Gayunman, humingi ng dispensa ang Akbayan sa mga anak ni Santiago at iba nitong kasambahay na natakot sa isinagawa nilang kilos-protesta. (Ulat nina Grace R. Amargo at Angie dela Cruz)

Show comments