Ginawa ito ni Arroyo dahil sa banta ng ilang grupo na iboykot ang Equitable na pinaglagakan umano ni Estrada ng koleksyon sa jueteng at iba nitong nakamal na kayamanan. "Siguro naisip nila na kailangang linisin nila ang isyu kaya sinuportahan nila si Ocampo na tumestigo sa kaso," sabi pa ni Arroyo. Sinabi ni Arroyo na masyadong malaki ang sangkot na pera kaya hindi ito dapat maliitin. "Biro mo, P142 milyon kay Jose Yulo, P1.2 bilyon sa savings account, P500 milyon na ipinautang niya sa Wellex ni William Gatchalian. Mayroon pa siyang P400 milyon na jueteng money at P132 milyon doon sa excise tax. Ano pa kaya?" dagdag ng mambabatas na taga-usig. Nitong nagdaang linggo, humarap sa impeachment court ang ilang empleyado ng Equitable para patunayan ang malaking deposito sa naturang banko ng jueteng auditor ni Estrada na si Yolanda Ricaforte.
Pinatunayan naman ni Ocampo na iisang tao lang sina Estrada at Jose Velarde sa isang tseke na ginamit sa pagbili ng Boracay mansion na ipinagamit sa isa sa kalaguyo ng Pangulo. (Ulat ni Malou Rongalerios)