Sinabi ng militanteng grupong pangkababaihang Gabriela na wala nang ibang paraan kundi ang pagpapatalsik kay Estrada sa puwesto.
"Wala nang ibang katanggap-tanggap sa amin maliban sa sentensya," sabi ni Joshua Mata, isang lider ng Alliance of Progressive Labor.
"Kung pinaghahandaan man ng Malacañang ang kaganapan sakaling maabsuwelto si Estrada, nagpaplano naman kami ng civil disobedience sa buong bansa na tiyak na magpapahinto sa proseso ng pulitika at ekonomiya ng bansa," sabi pa ni Mata.
Sinabi naman ng Bagong Alyansang Makabayan na napatunayan nang may kasalanan si Estrada dahil sa testimonya ng opisyal ng Equitable-PCI Bank sa Senado kamakalawa na ang Pangulo ang may-ari ng P500 milyong account sa naturang banko.
Kasama ang APL sa Labor Solidarity Movement na kabilang sa mga miyembrong organisasyon ng Kongreso ng Mamamayang Pilipino II at nananawagan sa pagbibitiw ng Pangulo sa puwesto.
Sinabi pa ni Mata na merong pangkalahatang kasunduan ang lahat ng anti-Estrada group na, kapag napawalang-sala ang Pangulo sa mga kaso nitong bribery, graft and corruption, violation of Constitution at betrayal of public trust, ipagpapatuloy nila ang kampanya para manawagan sa mamamayan na magsagawa ng civil disobedience tulad ng hindi pagbabayad ng buwis. (Ulat ni Romel Bagares)