Sinabi kahapon ng militanteng Bagong Alyansang Makabayan na dapat iboykot ng mga Pilipino at isara ang kanilang account sa Equitable bilang pahiwatig na hindi papahintulutan ng mamamayan ang money laundering, pagpalsipika ng mga account record at ibang gawaing kriminal ng ilang banko.
Sinabi ni BAYAN Chairman Rafael Mariano na makatarungang iboykot ang Equitable-PCI dahil sa pagtanggi nito noong una na sundin ang utos ng Senado/impeachment court na isumite ang account record ng isang Jose Valhalla/Velarde sa hinihinalang "pagduktor sa mga dokumentong isinumite sa Senado kinalaunan; malisyosong pagtatalaga kay Ricardo Romulo bilang kapalit ng tagapangulo ng banko na si George Go na isa umanong crony ng Pangulo; at tangkang ipalitaw na si Jaime Dichaves ang may-ari ng Valhalla account para pagtakpan si Estrada.
Sinabi naman ni Dante Jimenez ng Volunteer Against Crime and Corruption na, bagaman hindi direktang sangkot ang Equitable-PCI sa isyu ng jueteng payola, nawala na ang kredibilidad nito dahil hinahayaang makapagdeposito ang isang tao na may milyun-milyong halaga nang hindi man lang ito kinuwestyon o pinaghinalaan. (Ulat ni Grace R. Amargo)