Lim di pakakawalan ni Erap

Mabigat sa loob ni Pangulong Estrada na pakawalan si DILG Secretary Alfredo Lim sa kanyang gabinete upang sumabak sa 2001 election.

Sa isang ambush interview, sinabi ng Pangulo na kanyang pag-aaralan pa kung dapat pakawalan si Lim sa gabinete.

Itinuturing ng Pangulo na isa si Lim sa pinaka-importante sa gabinete na katuwang sa paglilingkod sa publiko.

Ito ay sa gitna ng mga ulat na kakandidato bilang mayor ng lungsod ng Maynila si Lim at mayroon ding puwang sa senatorial line-up ng administration party.

‘‘Pag-aaralan muna natin sapagkat sa totoo lang, isa siya (Lim) sa mga pinaka-importante sa aking gabinete’’ pahayag ng Pangulo.

Personal ding dinalaw ng Pangulo ang tahanan ni Lim sa Tondo, Maynila kung saan ay nagdiwang kahapon ng 71-taong kaarawan kung saan ay nagmistulang piyesta sa dami ng handang lechong baka at dumalong tao.

Bukod dito, isinabay na rin ng Pangulo ang kanyang pagbibigay ng regalo sa mga residente ng Tondo, Maynila at namahagi rin ng 50 motorsiklo para panghanapbuhay at unti-unting babayaran ng mga benepisaryo. (Ulat ni Ely Saludar)

Show comments