Isang driver ng pamilya na si Rudy Alfonso ang nasugatan nang matuklasan niya ang pamamaslang sa loob ng bahay ng kanyang mga amo sa No. 24 Aguinaldo St., Bacolod City at saksakin siya ng karit ng isa sa mga suspek.
Nakipagpambuno si Alfonso sa suspek na si Bemon Gallo hanggang sa matakasan niya ito at maisumbong niya sa pulisya ang krimen. Kasalukuyang tinutugis ng pulisya si Gallo na kabilang sa trabahador ng pamilya.
Kinilala ng pulisya ang mga napatay na sina Carlos Rivilla Jr., 76; asawa nitong si Florenda, 75; anak na si Ben Rico, 36; at mga apo na sina Marck, 13; Michael, 11; at Juvy, 9.
Natagpuan ding patay sa servants quarter ang mga katulong ng pamilyang Rivilla na sina Ritchelle Gonzales at Dolores Ogates na tubong-San Carlos City.
Nagmamay-ari ng isang sugar mill sa Negros ang pamilyang Rivilla.
Sinabi ni Police Inspector Germinio Pasigado na maaaring, bukod kay Gallo, may dalawa pa itong kasabwat sa pamamaslang. May mga tama ng saksak ang bangkay ng mga biktima na magkakahiwalay na natagpuan sa kusina at tatlong kuwarto.
Hinihinalang ginamit ng mga salarin ang dugo ng mga biktima para isulat sa mga dinding ng bahay ang kanilang mensahe na isinagawa nila ang pagpatay para maghiganti kay Ben Rico.
Sinasabi ng mga salarin sa kanilang mensahe na pinatay nila si Ben Rico dahil marami itong pinaslang na tao at nang-abuso ng maraming babae na kinabibilangan ng anak na babae ng isa sa mga suspek.
Natagpuan ang bangkay ni Ben Rico sa isang kuwarto katabi ang bangkay ng tatlo niyang anak. Ang mga bata ay pawang hubo’t hubad, may mga tama ng bala ng baril sa ulo at may mga tama ng saksak sa katawan.
Sinabi ni Alfonso sa pulisya na kararating lang niya sa bungalow ng pamilyang Rivilla nang salubungin siya ng taga ng karit ni Gallo na duguan na ang damit. Nagkasugat siya sa kanyang braso bagaman naiwasan niya ang iba pang pananaksak ng suspek. (Ulat ni Jhay Mejias)