'Pag-ibig sa unang tingin'

Hindi lamang sa mga dalagang tulad nina Laarni Enriquez at Joy Melendrez mabagsik ang kamandag ni Erap. Kahit sa may asawa ay humahatak din ang kanyang appeal. Nagpapakilalang may magneto ang kanang pagkatao na ang bawat babaing matitigan ay "napasusuko". Dumating sa kanyang buhay si Rowena "Weng" Gomeri Lopez noong nakaraang taon. Bagamat mariing itinatanggi ni Erap ang relasyon kay Weng, marami naman ang nagsasabing ang kaibigan pa mismo umano ni Erap na si Lucio Tan ang naging daan sa pagkikilala ng dalawa. Patungo umano sa United States si Erap at sa sinakyang Philippine Airlines jet ay isa sa mga flight attendant ang maganda at kabigha-bighaning si Weng.

Unang pagkakita pa lamang ay naging magiliw na umano si Erap kay Weng. Naakit siya sa kagandahan ni Weng na sa kabila na may asawa na at tatlong anak ay hindi halata sapagkat maganda ang hubog ng katawan nito. Charming at napakatamis nito kung ngumiti. Ang mga mata ni Weng ay magaganda na para bang nangungusap at nag-aanyaya. Hugis puso ang kanyang mukha na binagayan ng matangos na ilong at magagandang mga mata. Ang mga kilay nito ay makapal, maitim at ipon. Kasunod na umano ng pagkikilalang iyon ang "maganda at malalim na istorya" ng kanilang pagsasama. Bawat foreign trips umano ni Erap ay kasama sa crew ng PAL si Weng.

Kasunod din naman ay ang mga magagandang pangyayari na nagpabago umano sa buhay ni Weng. Mula umano sa pagiging flight attendant ay naging consultant na ito sa PAL. Mula umano sa tinitirahang bahay sa Pag-asa Subdivision, Bacoor, Cavite ay lumipat ito sa isang 660 square meters lot sa Mindoro St., Manila Marina Bay Subdivision sa Parañaque. Dalawang palapag ang bahay na kulay beige at may swimming pool pa. Ang property umano ay nagkakahalaga ng P18.5 million. Bukod umano sa marangyang bahay, nagkaroon din ng brand new BMW car si Weng. Mayroon din umano itong Rolex watch, cash at iba pang mamahaling kagamitan.

Ang asawa umano ni Weng na nagngangalang Felipe Neri Lopez ay dati ring empleado ng PAL. Mula umano nang madiskubre ang relasyon ni Erap at ng asawa nitong si Weng ay naghiwalay na ang dalawa.

Ayon sa isang report, nagbunga na umano ang pagsasama ni Erap at ni Weng. Apat na buwan na umanong buntis si Weng. Marami ang nagsabi na si Weng ay nagtungo na sa United States noon pang kalagitnaan ng November. Sa US umano nito isisilang ang anak na "kaloob" ni Erap. (Ulat ni Ronnie M. Halos)

Show comments