Testimonya sa mansion at babae ni Erap, hinaharang

Gumagamit umano ng nakakatakot na istratehiya ang mga abogado ni Pangulong Joseph Estrada sa pamamagitan ng madalas na pagtutol sa testimonya ng mga testigo sa impeachment case laban sa kanya.

Sinabi kahapon ni Prosecutor-Congressman Sergio Apostol na kapansin-pansin ang pagiging alerto at depensibo ng limang miyembro ng defense panel tuwing mauungkat ang isyu ng mga kalaguyo at mansion ni Estrada.

Iniiwasan anya ng defense panel na buhayin muli ng prosecution panel ang nauna nitong kahilingan o motion na payagan silang magsagawa ng ocular inspection sa naturang mga mansion.

Sinabi ni Apostol na mahalagang usisaing mabuti ang ledger na kinalilistahan ng pangalan ng mga tao na kilala o malapit sa mga kalaguyo ni Estrada at ng mansion para suportahan ang kanilang argumento at magtagumpay ang impeachment laban sa Pangulo.

Samantala, sa isang panayam kamakalawa sa pagpapatuloy ng kanyang testimonya sa Senado, tiniyak ng pangunahing testigong si Ilocos Sur Governor Luis Singson na mapapatunayan sa ikalawang articles of impeachment ang umano’y pangungulimbat ni Estrada sa kaban ng bayan sa kabila ng sunod-sunod na paghihirap at krisis sa bansa.

Sinabi ni Singson na lubhang kataka-taka ang pagkakaroon ng mga magagandang bahay ng pamilya ni Estrada batay na rin sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism dahil maliit lang ang kita ng isang pangulo ng bansa.

Ang sahod ng presidente ng Pilipinas ay P60,000. (Ulat nina Malou Rongalerios at Doris Franche)

Show comments