Sa Senado, nagpahayag ng pagkabahala si Santiago sa ginawang rally ng naturang grupo. Nakiusap siya sa mga ito na huwag idamay ang kanyang pamilya.
Kinondena umano ng mga demonstrador ang umanoy pagkiling ni Santiago kay Pangulong Joseph Estrada na kasalukuyang nililitis sa apat na kasong impeachment.
Sinabi ni Santiago na ninerbiyos ang kanyang mga anak sa ginawa ng mga demonstrador. Binabalya at binabato umano ng mga ito ang gate ng kanyang bahay para mapuwersa siyang bumoto laban kay Estrada.
Sinabi ni Santiago na pinag-iisipan niya ang pagsasampa ng indirect contempt laban sa mga demonstrador at paghahabol sa Supreme Court dahil sa paglabag ng Erap Resign Movement sa kanyang karapatan na magkaroon ng pribado at tahimik na kapaligiran. (Ulat nina Rudy Andal at Doris Franche)