Isa sa staff ng prosecution panel sa paglilitis sa kasong impeachment laban sa Pangulo na si Marinduque Rep. Edmundo Reyes Jr. ang nagsabi kahapon na lumitaw sa kanilang pagsisiyasat na walang pangalang Jose Valhalla sa telephone directories at rekord ng National Census and Statistics Office at ng Bureau of Immigration.
"Kahit apelyidong Valhalla, wala. Patunay lang ito na likhang-isip lang yan," sabi pa ni Reyes na nagdagdag na hihilingin ng prosecution panel na I-subpoena ang manager ng branch ng Equitable Bank sa Binondo, Manila dahil dito ini-withdraw umano ng misteryosong si Valhalla ang sinasabing P142 milyong tseke. Sinabi ni Reyes na, batay sa nakuha nilang mga dokumento, si Valhalla ang naglaan ng pondo para sa pagbili ng "Boracay" mansion sa New Manila, Quezon City na tinirhan ng isa sa mga kalaguyo ni Estrada na si Laarni Enriquez.
Sinabi ng isa sa kongresistang prosecutor na si Joker Arroyo ng Makati City na magkawangis ang lagda ng Pangulo at ni Valhalla at nagmula kay Estrada ang P142 milyong ipinambili sa Boracay mansion.
Lumalabas na iisang tao si Estrada at si Valhalla. (Ulat ni Malou Rongalerios)