Sinabi ni Navarette na maraming testigo ang ihaharap ng tagausig pero hindi lahat ay puwedeng ipatawag.
Napagkasunduan din ng magkabilang panig sa pre-trial kahapon na 10 testigo ang ihaharap sa unang article o kaso na bribery, 25 sa graft and corruption, pito sa betrayal of public trusts, at 20 sa culpable violation of Constitution.
Inaasahang tatagal ng pito hanggang 10 araw ang paglilitis sa bribery; 12 araw ang sa ikalawang kaso, lima hanggang pitong araw sa sumunod na kaso, at 10 hanggang 12 sa huling asunto.
Inaasahang darating sa unang araw ngayon ng paglilitis ang mga testigong sina Yolanda Ricaforte, Anton Prieto at dating Police Chief Roberto Lastimoso.
Magbibigay naman ng pambungad na pangkalahatang pahayag si House minority leader Feliciano Belmonte na manager ng prosecution panel.
Samantala, mataimtim na mananalangin ngayong araw ding ito ang Pangulo at ipapaubaya niya sa Panginoon ang kahihinatnan ng paglilitis.
Sinabi ni Estrada sa isang panayam na idadalangin nisyang maliwanagan ang mga taong nananawagan sa pagbibitiw niya sa puwesto at para pairalin ang katarungan ng mga senador na juror.
Sinabi ng Pangulo na, bagaman nalugod siya sa mataas na net rating na tinanggap niya sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, sisikapin niyang magtrabaho pa nang puspusan para matupad ang mga pangako niya sa mamamayan. (Ulat nina Doris Franche, Lilia Tolentino)