Ito ang nabatid sa isang miyembro ng panel na si Misamis Oriental Rep. Oscar Moreno na nagpaliwanag na ginawa nila ang desisyon dahil sa pagtanggi ng defense panel at ng Senado na magsagawa ng ocular inspection sa mga sinasabing magagarang mansion ng Pangulo na tinitirhan umano ng mga kalaguyo nito.
"Mas gusto sana namin na huwag nang isali dito ang mga babae ng Presidente pero wala kaming ibang magagawa kundi paharapin ang mga ito para magbigay ng testimonya," sabi ni Moreno. Ipinaliwanag pa ni Moreno na mahalaga ang testimonya ng Unang Ginang hinggil sa assets and liabilities ng Pangulo kaugnay ng graft and corruption charges na bahagi ng articles of impeachment laban sa Punong Ehekutibo. Marami anyang hindi isinama si Estrada sa SAL nito kaya kailangan ang testimonya ng Unang Ginang.
Kabilang sa umanoy mga kalaguyo ni Estrada na oobligahing humarap sa paglilitis sina dating movie actress Guia Gomez, dating starlet Laarni Enriquez, at Philippine Airlines stewardes Rowena Lopez. Sinabi ni Moreno na kailangang ipaliwanag ng naturang mga babae kung paano nila nakuha ang tinitirhan nilang magagarang mansion.
Nanawagan naman si dating Speaker Manuel Villar sa mamamayan na bantayang mabuti ang mga senador para matiyak ang integridad ng paglilitis bagaman may tiwala siya sa 22 senador na juror.
Sinabi kahapon ni Senate President Aquilino Pimentel Jr. na, inihahanda na ng mga senador ang kanilang sarili bilang mga juror sa pagsisimula ng paglilitis bukas.
Isang preliminary conference ang isasagawa ngayong hapon para matukoy kung alin sa apat na kaso sa articles of impeachment ang uunahin. Iisa-isahin naman ang mga ebidensyang ihaharap bukas para sa unang motion ng prosecution at ihahanda ang mga saksing ihaharap sa impeachment court. Samantala, sinabi ng Pangulo sa isang ambush interview sa Malacañang na, kung siya ang masusunod, nais niyang matapos ang paglilitis bago sumapit ang Pasko.
Nilinaw ng Pangulo na handa siyang humarap sa Senado kung pahihintulutan ng kanyang mga abogado.
Sa House of Representatives, sinabi ni justice committee chairman at Ilocos Norte Rep. Rodolfo Fariñas na magsasampa sila ng motion to intervene sa impeachment court para mapanghimasukan nila ang pagdinig nito sa kaso.
Sinabi ni Fariñas na matindi ang iregularidad sa teknikalidad sa pagkakasampa sa articles of impeachment dahil si dating Speaker Manuel Villar lang umano ang nagpatibay nito noong Nobyembre 13. Pero sinabi ni Villar na isinulong ang articles sa Senado dahil maliwanag na lumagda rito ang mahigit sa 1/3 o 73 miyembro ng House.
Sa kaugnay na ulat, sinabi ng isa pang prosecutor na si Leyte Rep. Sergio Apostol na ilang testigo laban sa Pangulo ang tumatanggap ng mga pagbabanta. Hindi siya nagbanggit ng pangalan. (Ulat nina Malou Rongalerios, Doris Franche at Ely Saludar)