Tumayo bilang mga prosecutor sa kaso ang 11 Kongresista na pinangungunahan ni House minority leader Feliciano Belmonte Jr..
Ipinalabas ng Senado ang summon para sagutin ng Pangulo ang mga kasong bribery, graft and corruption, betrayal of public trust at culpable violation of Constitution na nakapaloob sa article of impeachment na isinampa ng House of Representatives noong Oktubre 13.
Noong Nobyembre 24, inihain ng mga abogado ni Estrada ang motion na humihiling na idismis ang naturang mga kaso pero tinanggihan ito ng impeachment court dahil sa kawalan ng merito.
Ipinasya rin ng Senado na hatiin at litisin isa-isa ang apat na kaso at bigyan ng tig-dalawang minuto ang bawat senador para makapagtanong. Nitong Disyembre 1, nag-"plead not guilty" sa naturang mga akusasyon si Estrada sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.
Kahapon, tinalakay sa Senado ang kahilingan ng tagausig na magsagawa ng ocular inspection sa mga umano’y magagarbong mansion ni Estrada na tinitirhan umano ng kanyang mga kalaguyo at ang hiling ng abogado ng Pangulo na unahin sa paglilitis ang pinakamabigat na kaso at huwag nang litisin ang iba pa anuman ang kalabasan sa una.
Pero ipinagpaliban ng Senado ang pagdinig sa kahilingan ng mga tagausig na kunan ng video at litrato ang mga bahay ng Pangulo. Sinabi ni Davide na tatalakayin na lang ito kapag nagbigay na ng testimonya si Ilocos Sur Governor Luis Singson hinggil sa paghahatid nito sa Pangulo ng milyun-milyong pisong suhol mula sa jueteng.
Sa motion na rin ng tagausig, pinadalhan ng subpoena ng Senado ang mga testigong sina Presidential Adviser on Bicol Affairs Anton Prieto, jueteng auditor Yolanda Ricaforte at dating Philippine National Police Chief Director General Roberto Lastimoso para humarap sa unang araw ng paglilitis sa Disyembre 7.
Sinasabi ng isa sa mga prosecutor na si Leyte Rep. Sergio Apostol na mahalaga ang itsura ng naturang mga bahay para sa akusasyon na sa mga lugar na ito dinala ng mga courier ng mga jueteng lord ang kanilang suhol sa Pangulo. (Ulat ni Doris Franche)