Subalit ang nasabing sasakyan na natagpuan dakong alas-9 ng gabi ay walang sakay na pasahero at ang plaka nito ay tinanggal.
Ayon kay Brgy. Chairman Santiago Angge, ang nasabing oras ay napuna nila ang pagpasok ng dalawang puting Toyota Revo na nakapagdududa dahil sa bibihira umanong may dumaan sa kanilang lugar ng ganoon alanganing oras. Kaagad silang nagsagawa ng pagroronda at habang sila ay naglalakad ay nakita nilang pabalik na nag-iisa na lang ang nasabing sasakyan na walang plaka.
Nakarinig sila ng malakas na pagsabog mula sa lumagapak na sasakyan na inihulog sa bangin kaya’t agad nila itong ipinagbigay alam sa Maragondon PNP.
Kahapon ng umaga nang siyasatin ang nasabing puting Toyota Revo na may engine no. 2L9532231 at chassis no. 2F808800548, napag-alaman na ito ay pag-aari ni Dacer na nawawala noong pang Biyernes ng umaga kasama ang driver nitong si Manuel Corvito.
Halos yupi at hindi na mapapakinabangan ang nasabing sasakyan na ang mga gamit sa loob nito ay kinuha bago ito inihulog sa bangin ng hindi pa nakilalang mga kalalakihan na sakay ng isa pang Revo.
Lalong nagkagulo ang Maragondon PNP matapos na sila ay makatanggap ng tawag ng may isang bangkay ng lalaki na natagpuan sa Puerto Azul sa Brgy. Paniman, Ternate, Cavite.
Nang puntahan ng mga awtoridad ang bangkay ng lalaki na naaagnas na at dalawang kamay nito ay tinalian ng alambre at ang bibig nito’t mata ay binalutan ng packaging tape.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung ang bangkay ay ang driver na si Corvito na isang militar dahil sa may tatto itong Guardians sa kanang balikat. Magugunita na si Dacer at ang driver nitong si Corvito ay nawala sa Skyway ng Parañaque City habang patungong Manila Hotel at makikipagkita kay dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Samantala, sa impormasyong nakalap ng PSN, na si Dacer at si Corvito ay kasalukuyang umanong itinatago ng isang mayor sa lalawigan ng Cavite. (Ulat nina Cristina Go-Timbang, Joy Cantos, Mading Sarmiento at Mario Basco)