Akusasyon sa Mimosa pinabulaanan ng Palasyo

Mahigpit na pinabulaanan ng mga opisyal ng Malacañang ang akusasyon ng negosyanteng si Jose Antonio Gonzales ng Mondragon Group of Companies na nalugi umano ang negosyo dahil sa panggigipit ng mga kaalyado ng Pangulo nang tanggihan niyang makuha ng mga ito ang kompanya niyang Mimosa.

Ayon kay Press Secretary Ricardo ‘‘Dong’’ Puno Jr., ayon na rin kay PAGCOR chairperson Alice Reyes, napakalaki ng utang ng Mondragon at Mimosa sa PAGCOR.

Pangalawa, nagkaroon aniya ng malaking problema ang kompanya ni Gonzales dahil inaagaw ng Mimosa ang mga players ng PAGCOR na labag sa kontrata ng PAGCOR at Mimosa. Ito aniya ang dahilan kaya kinansela ng PAGCOR ang kontrata ng Mimosa.

‘‘So really it’s a matter between PAGCOR and Mimosa,’’ ani Puno.

Pinabulaanan naman ni Executive Secretary Ronaldo Zamora ang alegasyon ni Gonzales na isa siya sa kumausap sa kanya tungkol sa planong pagkuha sa Mimosa noon.

Ang katotohanan aniya, nagpapatulong noon si Gonzales para maipaabot daw sa Pangulo ang kanyang problema dahil noon ay pinag-uusapan na sa PAGCOR kung paano masisingil ang napakalaki nilang utang. (Ulat ni Lilia Tolentino)

Show comments