Marcoses kumalas kay Erap

Pormal na inihayag kahapon ng magpinsang kongresistang sina Ilocos Norte Rep. Imee R. Marcos at Leyte Rep. Alfred Romualdez na binabawi na ng pamilyang Marcos ang kanilang suporta kay Pangulong Joseph Estrada.

Sinabi ni Imee na nagkasundo ang mga miyembro ng kanilang pamilya na pakinggan ang panawagan ng may apat na milyong kasapi ng Marcos Loyalist Foundation na kumokondena sa umano’y pang-iinsulto ni Estrada sa yumao niyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ikinaiinis umano ng mga loyalista ang laging sinasabi ni Estrada na hindi ito kailanman magiging diktador tulad ni Marcos.

Sinabi ng magpinsang mambabatas na hindi ang mga Marcos ang problema ng bansa sa kasalukuyan kaya hindi sila ang dapat gamiting alibi ng administrasyon.

Sinabi pa ni Romualdez na walang kinalaman ang mga Marcos o ang dating Pangulo sa mga usaping kinasangkutan ni Estrada tulad ng jueteng.

Inamin naman ni Press Sec.Dong Puno sa panayam ng radio station dzMM na nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan ang Pangulo at ang mga Marcos loyalist dahil sa hindi naman anya sinasadyang paggamit ni Estrada ng salitang "diktador" patungkol kay Marcos.

Sinabi ni Puno na mayroon nang ginawang pagpapaliwanag sa mga loyalist at, sa tingin niya, nagkaintindihan na ang magkabilang panig kamakalawa ng gabi. (Ulat nina Marilou Rongalerios at Lilia Tolentino)

Show comments