Snap election nakaamba kapag na-impeach si GMA

Posibleng magkaroon ng snap election kapag parehong nagtagumpay ang mga impeachment case laban kina Presidente Joseph Estrada at Bise Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.

Ito ang sinabi kahapon ng kasamahan ni Arroyo sa oposisyong Lakas-NUCD-Kampi na si Valenzuela Congressman Magtanggol Gunigundo na kabilang sa mga naniniwalang maisasampa ng House of Representatives sa Senate ang impeachment case laban sa Bise Presidente.

Gayunman, sa unang araw ng impeachment proceeding sa justice committee ng House kahapon, marami pa rin ang nagpahayag ng paniniwala na walang form and substance ang reklamo laban kay Arroyo kaya hindi ito magtatagumpay. Dahil maraming mambabatas ang hindi kumbinsido na i-impeach si Arroyo, nagpanukala si Leyte Rep. Sergio Apostol na balasahin ang komite at ipagpaliban ang pagdinig sa reklamo.

Sa isang panayam naman sa telepono, sinabi ng acting chairman ng komite na si Rep. Oscar Rodriguez na maaaring madismis nila ang kaso laban kay Arroyo kapag napatunayang walang batayan ang reklamo. Bukod dito, nagsumite na ang Bise Presidente ng sagot noon pang Huwebes bago simulan ang pagdinig. Dahil naman sa motion ni Apostol, muling itinakda ng komite sa Nobyembre 28 ang pagdinig sa impeachment complaint laban kay Arroyo.

Sinabi ni Gunigundo na, kapag nagtagumpay kapwa ang impeachment complaint laban kina Estrada at Arroyo, walang dahilan para hindi magdaos ng snap election at tatayong caretaker ng pamahalaan si Senate President Aquilino Pimentel sa loob ng dalawang buwan habang idinaraos ang halalan para sa presidente at bise presidente.

Pinuna ni Gunigundo na mali ang pagpapadala ng kampo ni Arroyo ng sagot sa mga akusasyon laban dito dahil mas napabilis nito ang proseso ng pagdinig sa impeachment complaint. Maaari anyang pagbatayan ito para ideklarang may form at substance at may batayan ang reklamo.

Sinabi ng mambabatas na dapat hinintay muna ni Arroyo ang report ng komite dahil bibigyan naman siya ng 10 araw para sagutin ang akusasyon ni Atty. Oliver Lozano.

Idinagdag niya na makakapagpabilis din sa pagpapatibay sa impeachment ang mas malaking bilang ngayon ng bagong majority group sa House na kaalyado ng Pangulo at mabilis ding makakakuha ng 73 lagda na kailangan para maipadala ang reklamo sa Senado. (Ulat nina Marilou Rongalerios, Doris Franche, Grace Amargo at Ding Cervantes)

Show comments