"Gusto kong ampunin ako ni Cory," sabi ni Enrile sa lingguhang radio program nila ni Senador Juan Flavier.
Ginawa ni Enrile ang pahayag bilang tugon sa panawagan ni Aquino sa mamamayan kamakailan na bantayang mabuti ang bawat isa sa 22 senador para matiyak na hindi sila matutuksong ilihis ang paglilitis sa Pangulo. Iminungkahi ni Aquino sa bawat mamamayan na mag-ampon ng isang senador, ipagdasal ito at sulatan para hikayating sumunod sa kunsiyensiya nito.
Tiniyak naman ni Enrile na, kahit ampunin siya ng dating Pangulo, walang sulat o outside pressure na makapagpapabago sa kanyang desisyon kung sesentensyahan o ipapawalang-sala niya si Estrada.
"Ibabatay ko ang aking hatol sa aking kunsiyensiya, sa paniniwala sa kung ano ang makakabuti sa bansa at sa katibayang ihaharap ng tagausig," sabi pa ng senador.
Idiniin ni Enrile na, kapag lalo siyang pinipilit, lalo niyang ipaglalaban ang pinaniniwalaan niyang tama at makatarungan kahit anong partido pa ang kinabibilangan niya o ano man ang personal na relasyon niya sa Pangulo.(Ulat nina Perseus Echeminada at Joy Cantos)