Young Muslim umalma laban kay Erap

Kinastigo kahapon ng mga kabataang Muslim mula sa iba’t ibang pamantasan at organisasyon si Pangulong Joseph Estrada dahil sa umano’y paggamit niya ng kuwestyunableng "Erap Muslim Youth Scholar Foundation" para bigyang-katarungan ang pagtanggap niya ng multi-milyong jueteng payola.

"Ginamit lamang ni Pangulong Estrada ang Moro people lalo na ang mga kabataan para pagtakpan ang kanyang pagkagahaman," wika ng mga kabataang Muslim na nagpiket sa harapan ng gusali ng Senado.

Isinagawa ang piket kasabay ng pagharap sa Senado ng dating personal na abogado ni Estrada at corporate secretary ng naturang foundation na si Atty. Edward Serapio.

Naunang pinabulaanan ng Pangulo na kanya ang naturang foundation na tumanggap ng P200 milyong halaga ng anim na cashiers’ cheque mula kay Ilocos Sur Governor Luis "Chavit" Singson at nanggaling umano sa iligal na jueteng.

Sinabi ng Pangulo sa panayam ng CNN na ipinauubaya niya sa Senado kung ano ang dapat gawin sa P200 milyong inilagak ni Singson sa foundation.

Sinabi niya sa panayam ng CNN na ang naturang salapi ay idineposito sa foundation nang hindi niya nalalaman.

Sinabi naman ni Amirah Ali Lidasan, tagapagsalita ng Moro-Christian People’s Alliance, na ginagamit lamang nina Singson at Estrada ang mga kabataang Muslim para takasan ang kinakaharap nilang kaso.

Samantala, sa pagdinig sa Senado, sinabi ni Serapio na noon pang Agosto alam ng Pangulo na nagmula sa jueteng lord ang perang inilagak sa umano’y bank account ng foundation.

Sinabi ni Serapio na galit na galit ang Pangulo nang malamang nanggaling kay Singson ang pera at humingi siya ng paumanhin at nagpaliwanag na hindi siya nagduda sa pinagmulan ng salapi.

Sinasabi ni Singson na inilagay ni Serapio sa bangko ang kalahati ng suhol mula sa jueteng at ang natitira ay personal niyang ibinigay sa Pangulo. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments