National Day of Protest guguluhin ng komunista
November 14, 2000 | 12:00am
Guguluhin umano ng isang paksyon ng Communist Party of the Philippines na pinamumunuan ni Jose Maria Sison ang mga mapayapang rally o National Day of Protest na idaraos ngayong araw na ito sa buong bansa ng iba’t ibang grupong humihingi ng pagbibitiw ni Pangulong Joseph Estrada sa puwesto.
"Gagawin nila (CPP) ang anuman para isulong ang kanilang komunistang pananaw," sabi ni Philippine National Police Chief Director General Panfilo Lacson kasabay ng babala sa mga maka-Kaliwang grupo na huwag mag-uudyok ng karahasan sa hanay ng mga demonstrador para maiwasan ang gulo.
Sinabi ni Lacson sa isang pulong-balitaan sa Camp Crame kahapon na, bagaman iginagalang ng PNP ang karapatan ng mamamayan na magdemonstrasyon at magpahayag ng mga karaingan, hindi pahihintulutan ng pulisya na mangibabaw ang anarkiya sa mga lansangan.
Pinaalalahanan din ni Lacson ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance sa welga ng mamamayan.
Sa Metro Manila, inaasahan ang mga kilos-protesta sa Welcome Rotonda, Liwasang Bonifacio, Don Chino Roces Bridge (dating Mendiola) at Ayala Avenue. May 20,000 manggagawa naman mula sa 20 pagawaan ang lalahok sa welga.
Nanawagan si Lacson sa United Opposition at mga grupong liberal na huwag magpagamit sa mga militanteng grupo laban sa pamahalaan.
Sinabi pa niya na ang grupo ni Sison ang nag-uudyok sa mga maka-Kaliwang grupo na pabagsakin ang kasalukuyang pamahalaan.
Sa isang panayam sa DZRH, nanawagan ang Pangulo sa mga magdaraos ng rally na bigyang-konsiderasyon ang kanilang desisyon dahil mapipinsala rito ang mamamayan lalo na ang mahihirap.
Iginiit niya na, kahit ano pang rally ang gawin, hindi siya magbibitiw sa puwesto dahil may sinusunod na proseso sa Konstitusyon para pagpasyahan ang mga ibinibintang sa kanya.
Inihayag naman ng United Opposition na ganap itong sumusuporta sa National Day of Protest na isasagawa ng mga manggagawa, negosyante, maralitang taga-lungsod, estudyante, professional, relihiyoso at iba pang sektor sa pangunguna ng Labor Solidarity Movement, Kongreso ng Mamamayang Pilipino II, at Bagong Alyansang Makabayan. Kabilang sa kilos-protesta ang pagtigil sa trabaho, pagboykot sa mga klase sa paaralan, at mga demonstrasyon. Hindi rin papasada ang mga jeepney driver sa Metro Manila at mga lalawigan.
Nagbanta naman si Civil Service Commission Chairman Corazon Alma de Leon na kakasuhan ng neglect of duty ang mga empleyado ng pamahalaan na iniwanan ang trabaho para sumali sa mga rally.
Nakaalerto ang buong pulisya at militar sa magaganap na kilos-protesta. Nakaalerto rin ang mga awtoridad sa mga paliparan at pantalan dahil sa posibleng pakikilahok ng ilan nitong empleyado sa welga.
Sa South Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City, maraming kumpanya ang magsasara at hindi papasada ang mga pampasaherong sasakyan bilang pakikiisa sa National Day of Protest. May inaasahan ding rally sa Surigao, Legazpi City, Albay, Camarines Sur, Sorsogon, at Western Visayas.
Samantala, isang armadong grupong nagpapakilala sa pangalang Anti-Buwitre Brigade ang nagbanta na parurusahan nila ang mga buwitre at naghahari-hariang grupo na naging dahilan umano ng artipisyal na pagbagsak ng ekonomiya at kaguluhan sa bansa.
Sinabi ng ABB sa pahayag na nilagdaan ng isang Leandro Suliman na hindi sila papayag na maging presidente si Vice President Gloria Macapagal-Arroyo bilang resulta ng mga kaguluhan ng mga alipores nito. (Ulat nina Joy Cantos, Lilia Tolentino, Ely Saludar, Angie dela Cruz, Lordeth Bonilla, Jhay Mejias, Ellen Fernando, Butch Quejada, Allen Estabillo at Ben Serrano)

BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest