Kumalas na rin kahapon sa makaadministrasyong Lapian ng Masang Pilipino si Senador Ramon Revilla na naunang napaulat na mananatili sa partido ni Pangulong Joseph Estrada. Siya ang ikaanim na senador na kaalyado ng Pangulo na umalis sa LAMP. Naunang umalis sa partido sina Senate President Franklin Drilon, Senators Nikki Coseteng, Rodolfo Biazon, Ramon Magsaysay Jr. at Aquilino Pimentel. Si Revilla na isa ring dating aktor sa pelikula tulad ni Estrada ay nagpaliwanag na, bagaman hindi siya kabilang sa nananawagan sa pagbibitiw ng huli sa tungkulin, nais niyang maging patas at indipendiyente sa paghuhusga sa oras na maisampa sa Senado ang impeachment complaint laban sa Pangulo.
Kasabay nito, nagkasundo kahapon ang mga kasapi ng Laban ng Demokratikong Pilipino na huwag kumalas sa pakikipagkoalisyon sa LAMP.
Ito ang nabatid sa lider ng LDP na si Agriculture Secretary Edgardo Angara na nagsabi pa na hindi siya aalis sa Gabinete ng Pangulo.
(Ulat ni Ely Saludar)