Sinabi ni Department of Foreign Affairs Secretary Domingo Siazon sa isang panayam na ipinaalam ni Pineda sa Consulate na handa itong humarap sa Senate Blue Ribbon Committee na nagsisiyasat sa jueteng scandal na kinasasangkutan ni Pangulong Joseph Estrada.
Gayunman, hindi binanggit ni Siazon kung kailan babalik sa bansa si Pineda at saan ito tumitira sa California.
Naunang nagbanta si SBRC Chairman Sen. Aquilino Pimentel na ipapakansela niya ang passport ni Pineda para mapuwersa itong sumunod sa utos ng Senado na sagutin ang mga tanong hinggil sa operasyon ng jueteng.
Pero sinabi naman ni Pimentel sa isang panayam kahapon na ititigil na ng SBRC ang pagdinig sa jueteng scandal kapag inaprubahan na ng House ang articles of impeachment.
Kapag nangyari ito, malamang na sa pagdinig na sa impeachment haharap si Pineda. Inirekomenda ng Senado sa DFA na kanselahin ang passport ni Pineda para ituring itong isang iligal na dayuhan sa U.S. at maipadeport pabalik sa Pilipinas. (Ulat ni Aurea Calica)