Sinabi ni Defense Secretary at National Disaster Coordinating Council Chairman Orlando Mercado sa isang pulong-balitaan na karamihan sa mga namatay ay biktima ng landslide sa Antipolo City, San Andres Bukid sa Maynila at Sariaya, Quezon.
Iniulat naman ni Laguna Governor Joey Lina na anim na high school mountain climber na nagmula sa Maynila ang nalunod habang tumatawid sa isang ilog sa Siniloan habang 100 pa nilang kasamahan ang pinangangambahang naistranded sa Mt. Romelo sa Famy, Laguna.
Sinabi ng kalihim na apat na mangingisda mula sa Sorsogon at Albay ang iniulat na nawawala. Isa ring tricycle driver sa Calamba, Laguna ang nawawala makaraang mahulog ang kanyang sasakyan sa isang ilog dahil sa pagbagsak ng isang tulay.
Walo namang miyembro ng isang pamilya ang nawala nang tangayin ng malaking alon mula sa Laguna de Bay ang kanilang tahanan sa Tanay, Rizal.
Sinabi ng NDCC na umabot na sa 1,873 pamilya o 10,592 indibidwal na tao ang napinsala ng bagyong si Seniang.
Nabatid din kay Lina na isang pribadong subdivision sa San Pedro, Laguna ang nalibing sa landslide bagaman walang iniulat na nasawi o nasaktan.
Sinabi ng Manila Electric Company na 58 porsiyento ng mga sineserbisyuhan nitong lugar ang nawalan ng kuryente dahil sa mga nagtumbahan o naputol na mga poste at kable ng kuryente. Kabilang dito ang sa Bulacan, Caloocan, Novaliches at Valenzuela. Nawalan din ng kuryente sa Batangas, Cavite at Laguna, Parañaque, Las Piñas at Taguig, Quezon City, Marikina, Makati, San Juan at Manila.
Itinaas na rin ang flood alert sa mabababang lugar sa Pangasinan, Tarlac, Pampanga at Tuguegarao, Cagayan.
Dahil din sa pananalanta ng bagyo, nagsara ang maraming eskuwelahan, opisina ng gobyerno, banko at tindahan.
Isinadsad din ng malalakas na hangin at alon ng Manila Bay sa seawall sa Roxas Blvd. sa Maynila ang may pitong barges. May 1,300 pasahero ang naistranded sa pantalan ng Matnog, Sorsogon dahil hindi pinaalis dito ang mga ferries.
Kinansela rin kahapon ng umaga ang maraming biyahe ng mga eroplano ng Philippine Airlines, Air Philippines at Cebu Pacific Airways patungo sa ibat ibang bahagi ng bansa dahil sa bagyo. (Ulat nina Joy Cantos, Lordeth Bonilla, Butch Quejada at Associated Press)