Sa okasyong ginanap sa Ateneo de Manila University na dinaluhan ni dating Pangulong Corazon Aquino, muling binuo ang Kongreso ng Mamamayang Pilipino (Kompil) na siya ring samahang naglunsad ng civil disobedience laban sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos bago naganap ang 1986 EDSA people power revolution.
Sa ilalim ng civil disobedience, ang lalahok na mamamayan ay hindi magbabayad ng buwis at hindi susunod sa mga batas ng pamahalaan at iboboykot nila ang produkto ng mga kumpanyang kapanalig ng administrasyon.
Kabilang sa dumalo sa Kompil sina Vice President Gloria Macapagal-Arroyo, dating Defense Secretary Renato de Villa, Laguna Governor Joey Lina, dating Securities and Exchange Commission Chairman Perfecto Yasay, da-ting Solicitor General Frank Chavez at dating Bureau of Internal Revenue Commissioner Liwayway Chato at mga sectoral representatives ng manggagawa at magsasaka.
Sa kanyang talumpati sa Kompil, iginiit muli ni Aquino na dapat magbitiw si Estrada sa tungkulin bilang sakripisyo nito para maiahon sa kahirapan ang bansa.
Nanawagan din si Aquino sa mamamayan na gumamit ng mapayapang solusyon sa suliranin ng bansa.
Sinabi pa ng dating Pangulo na maipapakita ni Estrada ang tunay nitong pagmamahal sa bayan at pagmamalasakit sa taumbayang nagluklok sa kanya sa poder sa pamamagitan ng pagsasakripisyo nito.
Ang pahayag ni Aquino ay tila kabuntot ng sinabi kamakailan ni Arroyo na makakabangon lang ang ekonomiya ng bansa lalo na ang piso kapag nagbitiw si Estrada sa tungkulin.
Samantala, bilang tugon sa panawagan ni Aquino, sinabi ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na kailangang magkaroon ng komunikasyon ang magkabilang panig para malutas ang problema ng bansa.
Sinabi ni Laguesma na, sa naturang panawagan, wala nang nasa isip ng oposisyon kundi ang pagbibitiw ni Estrada para malutas ang kasalukuyang krisis.
Sinabi naman ni TESDA Administrator Fr. Edicio dela Torre na, sa paghingi sa pagbibitiw ni Estrada, meron na agad na nabuong paghuhusga si Aquino sa Pangulo.
"Kung may tama, ang tanong muna eh wala na bang tsansa na ito ay iharap mo sa nasa kapangyarihan para mabago siya?" sabi ni dela Torre.
Idinagdag ni Laguesma na, kung talagang wala nang respeto ang oposisyon kay Estrada, kailangan namang irespeto ang Konstitusyon na isang produkto ng people power revolution na merong mekanismo para maiwasan ang pagkakaulit ng dating karanasan ng sambayanang Pilipino. (Ulat nina Rudy Andal at Lilia A. Tolentino)